Sumakay ako ng bus na biyaheng ayala papuntang monumento.. Medyo
punuan sa bus at buti nalang ay nakasakay ako na kahit papaano ay may ilang
bakanteng upuan pa rin naman.
Naupo ako sa tabi ng isang babae. Nakayukyok siya sa kaharap na sandalan kung saan siya nakaupo. May kulay ang buhok, nakaearphones at nakasuot ng varsity jacket. Basang-basa siya. Siguro malayo ang nilakad nito at sumugod sa malakas na ulan. Panaka-naka ko siyang tinitignan dahil mukhang hindi ata mabuti ang pakiramdam nitong babae. Pasimple akong nagmamasid. Napansin ko ang pagpatak ng luha niya sa bag na kandong kandong niya at pigil na mga paghikbi. Nag-aalala ako at nag-iisip kung anong pwede kong gawin..
Agad kong kinuha ang panyo sa aking bulsa. Kinalabit ko ang babae.
"Miss..." sabay lahad ng panyo ko.
---
Lulan ako ng bus
mula ayala papuntang monumento. Galing ako sa isang probinsya kasama ang isang
espesyal na tao sa akin at mga kaibigan niya. Nung pauwi na kami, nagkaroon
kami ng di pagkakaunawaan, dahilan para di kami magkibuan sa biyahe. Bumaba
kami sa St. Francis sa Shaw Blvd., mula doon sinugod namin ang malakas na ulan
hanggang edsa. Walang kibuan at hindi nagsabay sa paglalakad. Dire-diretso niya
kong iniwang nakatayo ng wala man lang pamamaalam. Masama ang loob na sinugod
kong mag-isa ang malakas na ulan hanggang sa makarating ako sa terminal ng bus
sa megamall. Pagkasakay na pagkasakay ko ng bus, hindi ko napigilan ang
pangingilid ng luha sa mga mata ko. Agad na kumawala ang mga luhang kanina ko
pa kinikimkim.. Binabaybay ng bus na sinasakyan ko ang kahabaan ng edsa habang
ako nakayuko lang at patuloy na umiiyak. Kahit anong punas ang gawin ko, hindi
pa din tumitigil sa pag-agos ang mga luha ko..
Tatakbo at gagalaw
Mag-iisip kung dapat bang bumitaw
Kulang na lang, atakihin
Ang pag-hinga'y nabibitin
Ang dahilang alam mo na
Kahit ano pang sabihin nila
Tayong dalawa lamang ang
makakaalam
Ngunit ako ngayo'y naguguluhan
Makikinig ba ako
Sa aking isip na dati pa namang
magulo?
O iindak na lamang
Sa tibok ng puso mo
At aasahan ko na lamang na
Hindi mo aapakan ang aking mga
paa..
Kasabay ng malakas
na ulan, siya ring pagpatak ng mga luha ko.. Walang tigil.. sunod-sunod..
Inaalala ko ang lahat ng mga salitang binitawan niya sa akin na naging dahilan
kung bakit sa di mabilang na pagkakataon sumugal ako sa pag-ibig. At lahat ng
mga salitang yun.. binitawan lang.
Huminto ng cubao
ang bus na sinasakyan ko para kumuha ng pasahero. May naupo sa tabi ko at di ko
pinag-aksayahan ng panahong lingunin. Patuloy pa rin ako sa pag-iyak..
Hanggang sa may
kumalabit sa balikat ko.
"Miss.." bulong ng lalake at may iniaabot na panyo.
Nakayukong inabot
ko ang panyo mula sa kamay niya.. Di na ko nagdalawang-isip na kunin ang panyo
dahil alam ko na sa pagkakataong 'to, panyo lang ang makakaramay ko.
Patuloy pa rin ako
sa pag-iyak. Malayo ang tingin habang nakadungaw sa bintana. Wala na kong
narinig mula sa lalaki.
North Edsa. Tumayo
ang lalaki para bumaba. Agad kong hinawakan ang kamay niya. Isinosoli ko ang
panyo.
Nginitian niya
lang ako at naglakad na palayo sa kinauupuan namin.
Walang tigil ang
pag-agos ng luha ko at maging ang pagbuhos ng ulan hanggang sa makarating ako
ng monumento. Pero sa pagkakataong ‘to.. May panyo na 'kong karamay kahit
papaano.
Iniwan ko ang
panyo sa kinauupuan ko kasama ang lahat ng sakit na nararamdaman ko at bumaba
ng bus.
Sana lang, sa
bawat pahid ko sa mga luha ko gamit ang panyo, siya ring unti-unting pagkawala
ng lahat ng sakit na nararamdaman ko.
Kuya, kung sino ka
man.. Maraming Salamat.
---
Bumaba na ako
ng bus. Ngunit hindi ko maintindihan kung bakit iniisip ko pa rin ang babaeng
nakatabi ko sa bus na umiiyak. Ang mga mata niyang mugto sa pag-iyak. Nung
hinablot niya ang kamay ko upang isoli ang panyo.. Nung katabi ko siya habang
nagbibiyahe, gusto kong magtanong pero mas pinili kong wag nalang dahil malaki
ang tyansang di rin naman niya ko sagutin. Hindi ko maintindihan kung bakit
umaasa akong makasakay muli ang babae. Pero sana kung magkakataon, sa susunod
na makakatabi ko siya.. Makita ko sana siyang nakangiti habang nakadungaw sa
bintana at nakikinig ng magandang musika gamit ang earphones niya.
Ito ang aking lahok para sa Saranggola Blog Awards 4
Tema: Lakbay
Pamagat: Panyo
5 comments:
nabitin ako :)
sana may karugtong ito. maganda ang kwento. dugtungan po sana..
mahirap magpanday ng kwento na dalawa ang naglalahad ng pangyayari sa iisang kwento lamang, pero mahusay nyo itong nabuo at napagtibay ng mga salitang inyong ginamit.
magaling po at gudlak dito :)
Karamihan nga sa nakabasa ay nabitin. Pero masaklap na ang susunod e. Hehehe!!! Gusto ko nga sanang dagdagan ngunit hindi na maari pang baguhin yung entry. Haha. Hayaan mo, gagawan ko na lamang ng part 2.
Maraming Salamat!! :)
ako din nabitin .. sana may part 2 hehehe :)
Lakas makaemo nitong entry mo .. ^_^
Yung part 2 nyan titiyakin ko sayo na masaya na. Hehe! Salamat sa pagbabasa! :)
magaling. good luck! :D
Post a Comment