Sunday, September 30, 2012

Boom boom boom.

Hindi ko maisip ang buhay ko kung walang musika. Mapa-malungkot ako o masaya, hindi mawawala ang pakikinig ko sa musika kapag pakiramdam ko ang pinag-uusapan.

Emo rin ako minsan, sa ganitong panahon may nalalaman akong pagtanaw sa bintana ng aking kwarto habang nakikinig ng mga malulungkot na kanta. tapos maya-maya may papatak ng luha. Perfect! Hahaha!
Marami na rin ang kantang nagpaiyak sa akin. Hehe.

Kapag masaya ako, asahan mo nang marinig ang malakas na boses kong sintunado sa labas ng kwarto ko. Nagtatatalon ako sa kama habang kumakanta hawak ang hairbrush ko bilang mikropono. Hahaha. Kapag napaos na ko at di pa ko kuntento, magsasasayaw ako sa ibabaw ng kama ko hanggang sa antukin ako at abutin ng madaling araw.

Minsan nga e nakalimutan kong ilock ang pinto. Tinatawag pala ko ng nanay ko e napakalakas ng earphones ko kaya di ko naririnig.. Bigla nalang bumukas ang pinto at naabutan ako ng nanay kong tumatalon at nagkakakanta hawak yung hairbrush ko.

"HAHAHAHA. Hinaan mo yang pagkanta mo nakakahiya sa kapitbahay!" sigaw ng nanay kong tatawa-tawa. Hiyang-hiya ako e. HAHAHAHA

Wala naman talaga akong gustong sabihin dito e. May makwento lang. Saka gusto ko lang idaing na malungkot ako kasi may kulang e. Nawawala ang earphones ko badtrip!

Happy Birthday Superman!

Pagkagaling ko sa trabaho, dumiretso na ko sa bahay ni Aling Mariss para ipagdiwang namin ang birthday ni Mang Rody. You know, si superman, my bestfriend! Hehe. Matagal-tagal din mula ng huli kong makita si Mang Rody, as usual, gwapo pa rin. Pinagmanahan ko e! Haha. In fairness mataba siya. :D Agad kong niyakap ang nakahigang matanda at hinalikan sa pisngi.

"Happy Birthday father! I miss you! I love you!" bati ko.
"O? Bakit di ka nagrereply?" tanong niya.
"Busy lang. Kamusta ka naman? Ang mga isda sa ilog nagpapahuli ba naman sayo?" biro ko.
"Nako, wala ngang mahuli." sagot niya.
"Yung mga tandang mo nalang kasi ang pagkaabalahan mo. Inilalaban niyo ba?" tanong ko.
"Isang beses lang. Nanalo naman." sagot niya habang nakangiti.

Nakayakap ako sa bewang niya habang kami'y nagkukwentuhan.

"kamutan mo naman ako ng likod" lambing niya. Matatanggihan ko ba naman to si Mr. Fredrickson? hehe.

"Hindi mo na ko dinalaw a." angal niya.
"Busy lang dad. Saka alam ko naman na uuwi ka. Wag ka ng magtampo namiss naman kita" lambing ko.
"hmmm." tugon niya.
"Ako na magluluto saka bibili ako ng ice cream." sabi ko.
"Tawagin mo ang kuya mo, may dala akong mga rambutan galing sa tanim ng tito mo." utos niya.
"Alam ni Tito Carling na pinapitas mo yan?" tanong ko.
"Hinde. Hehe." ngisi siya.
"Lagot ka don! HAHAHAHAHA!" biro ko.

Pinagmamasdan at pailing-iling lang ang tatay ko habang tatawa tawa sa panonood samin ng kuya ko sa pagkain ng rambutan. 

Pagkatapos kong magluto at bumili ng pansit at ice cream, masaya kaming nagkainan. Biruan. Hanggang sa napagpasyahan na namin ang magpahinga pare-pareho matapos ang kwentuhan.

Naisip ko, magkakalayo man kami, mas gugustuhin ko na itong minsanang pagkikita na masaya kesa sa araw-araw na magkasama pero puro bangayan naman.

Mahal na mahal ko ang pamilyang meron ako di man perpekto. :)

Tuesday, September 25, 2012

Cafe Noriter

























Matagal tagal na rin akong di nakakabisita sayo.. Kung alam mo lang kung gaano kita namimiss. Ang tumambay maghapon, mahiga, magpagulong gulong, at ang malinamnam na mga inumin.. Ang lugar na nagiging takbuhan ko sa tuwing malungkot ako. Namimiss ko na ang magbahagi ng mga shits ko gamit ang mga puting basong pinamimigay mo. Ang subukang magdoodle sa mga basong yan kahit hindi ako marunong. 

Pangako, babalik ako.. Ang kapehang pinakapaborito ko.. Isang malaking bahagi ng buhay ko. Ang taguan ko kapag gusto kong lisanin ang mundo. Tutuparin ko pa rin ang sinabi ko sayo, babalik akong kasama ang taong mahal ko.

Puchu puchu..

Pagtitinginang magsisimula sa biruan. Asarang mauuwi sa pinausong PBB Teens. Sa tuwing nagkakasama, di maikubli ang pananabik sa isat isa. Manaka-nakang ngitian at ligaw tingin, pasimpleng paghahawak-kamay at sa tuwing nabibigyan ng pagkakataon, mahihigpit na yakap ang pinagsasaluhan.

Ngunit kapag natapos na ang araw at kailangan nang maghiwalay, dumadagsa ang maraming tanong sa isip. Tulad ng "ano nga ba ang meron kami?!" doon magsisimula ang pagkabagabag mo. At sa tuwing magkikita, mauuwi pa rin sa nakagisnang paglalambingan kahit na walang kasiguraduhan.

Darating ang araw na ang pagtrato niya sayo ay siyang trato na niya rin sa iba.

Bigla, sa di malamang dahilan, makakaramdam ka ng sakit na di mo inaasahan. Selos na di naman dapat dahil alam mong wala kang karapatan.

Na ang inaakala mong nasimulan, mauuwi sa pinapangarap at hinihintay mong pag-iibigan..

Na yun pala, puchu-puchu lang.

Sunday, September 23, 2012

I'm not feeling well.

Alas onse pasado na ko nagising kaninang umaga. Masigla naman akong nakabangon. Matapos kumain ng pananghalian, nagpahinga ko sa pamamagitan ng panonood ng tv.

Alas tres ng mapagpasyahan kong maligo at para makapagsimba na rin.

Dumaan ako ng divisoria. Napabili ako ng ilang pajama, suha at lansones. At nagtungo na rin ako sa simbahan.

Matapos nun, dumiretso ako sa puregold para bumili ng ilang kakailanganin ko sa bahay.

Pag-uwi ay nakaramdam ako ng biglaang pagbigat ng pakiramdam. Pakiramdam na parang may mali o dahil nakalimutan kong bumili ng cotton balls. O baka naman napagod lang ako. Ewan ko ba. Eto ang ayoko sa sarili ko e. Bigla bigla na lang ang pagsama ng pakiramdam.

Pakiramdam na ang sanhi ay kalungkutan.

Saturday, September 22, 2012

Sugal.

Ilang beses na rin akong nakaranas magsugal. Noon, malakihan ako kung pumusta. Sa una nananalo, pero sa huli nauuwi rin akong talunan. May panahong sinusukuan ko na ang pagsusugal, pero pag naglaon, hinahanap hanap ko pa rin. Yung pakiramdam na nananalo ka, tiba-tiba e.

Hanggang sa wala na kong maipusta. Dalawang taon akong di nakapagsugal. Nakakaipon ng pwedeng ipangsugal pero hindi na ko sumubok pa.. 2 taon na minsan din naman e hinahanap hanap ko. May darating yayayain akong magsugal. Pero kadalasan e tinatanggihan ko na rin. Hanggang isang araw, may nagpakita sa akin ng maraming bagay para subukan ang sumugal ulit.

May takot mang maulit ang ilang beses na pagkatalo, kahit na walang kasiguraduhan ang manalo e sumugal ulit ako. Pero ganun at ganun pa rin ang naging takbo ng laro. Sa una pakiramdam mo panalo ka na e. Biglang madadaya ka pa o di kaya e may kalaban ka na mas maganda ang barahang hawak kesa sayo. Uuwi ka na namang talunan.

Haaay... Pagsugal sa pag-ibig. Ang daming beses ko na ring sinabi na ayoko na pero ang sabi ng karamihan, sukuan ko na lahat, wag lang ikaw. Ikaw na magpapaligaya sa buhay ko. Magbibigay-kulay, ngiti , mga paru-parong kikiliti sa sikmura ko. Darating ka pa ba? Gaya ng sinabi nila, sana nga natrapik ka lang.

Sa bawat pagkatalo, ang dami ko ring natutunan. Natuto akong mag-ipit ng baraha. Hindi na rin ako basta basta mag-o-all in. Hindi ko na rin ipupusta ang lahat. Para kung sakaling matalo ako ulit at maisipan ko ulit ang sumugal, may tira pa kong pwede kong ipusta. :)Haaay... Nakakamiss magsugal!

Hairdo.

Ayaw na ayaw ng daddy ko na nakakakita ako o nagtatabi ako ng gunting. Madalas kasi e napagdidiskitahan kong gupitin ang buhok ko. Kung ang ibang babae e maseselan sa buhok, ako kadalasan, kapag masama ang loob ko, ginugupit ko ang buhok ko. Ewan ko ba kung saan nagsimula ang pagtripan ko ang buhok ko sa tuwing badtrip ako.


Yan ang buhok ko dati.. Tapos nakakita ko ng gunting sa kusina noong nag-talo kami ng mama ko. Kaya naisipan kong gupitin ang bangs ko. 


Tada! Gumagaan kasi ang pakiramdam ko kapag ginugupit ko buhok ko. Kadalasan bangs. Haha. Alam mo kung bakit? Kasi nagkakaroon ako ng mapagtatawanan ko! Hahaha! Kapag di nagkapantay pantay ang gupit natural mente mukhang tanga. Tatawa lang ako ng tatawa magdamag. tapos paggising ko, badtrip na badtrip at ilang na ilang ako sa bangs ko. :)) Kaya nabansagan akong dora sa barangay namin e. Laging full bangs! :))


Humaba ulit. 


Gupit ulit, Bahahaha. Pero kapag masamang masama loob ko.. Kahit gaano pa kahaba ang buhok ko...


Pinapagupit ko ng sobrang iksi. 


Mahirap ang maiksi ang buhok sa totoo lang. Mas nakakapawis lalo na sa batok. mas mainit. Kailangan ayusin mo dahil pag bumuhaghag yan mukha kang timang! Isipin mo kung wala akong mok ap at yang pakikay na burloloy na yan sa ulo ko.. Mukha akong lalake! Nakakainit ng ulo kapag tumitikwas dahil alanganin ang haba at tumatama sa balikat mo..

Kadalasan kong hinihiling na sana may shampoo o conditioner na pampahaba ng buhok. Namimiss ko na ang mahabang buhok ko. :(






Friday, September 21, 2012

Don't let me fall.

Madali akong mahulog sa isang tao. Iparamdam lang sa akin na espesyal ako o pakitunguhan ako ng maganda, kadalasan e nauuwi sa nagkakaroon ako ng espesyal na pagtingin sa kanila. Bagay na masasabi kong isa sa mga kahinaan ko. Ilang beses na rin akong nahulog ngunit kadalasan walang sumasalo. Kaya imbes na mas masaktan, pilit ko nalang ikinukubli ang nararamdaman ko sa gitna ng pagiging magkaibigan namin. Dun naman nagsisimula ang lahat e. Sa pagiging magkaibigan. Swerte mo kung pareho pala kayo ng nararamdaman. Pero kung ikaw lang, tago mo nalang kesa mauwi pa sa ilangan. Kumbaga mas pahalagahan  nalang ang pagkakaibigan kesa sa nararamdaman. Kung iiwas naman dahil nagbabakasakali mawala ang nararamdaman, malaki rin ang tyansang mawala ang pagkakaibigan niyo. Kaya kapag medyo alanganin na ko sa nararamdaman ko, nililihis ko nalang kaagad. hanggat maiiwasan iiwasan. Pag nagtagal malamang sa malamang e masasaktan lang ako.

Kaya sana wag mo nalang akong pakitaan ng ilang bagay na magiging dahilan para mahulog ako sayo kung wala ka rin namang balak na saluhin ako.

He lied to you a thousand times. He hurt you twice as much as that. And you’re gonna tell me that you still love him? For what? For breaking your heart?

It’s painful to fall in love with someone who has someone else especially if you tried everything to ignore the feelings. The worst is, if that someone made you feel as if you’re someone special. Then. You’re just special but never would be loved.


Sabi nila ang tunay na pag-ibig raw, madalang ang biyahe kaya pag dumaan sayo, parahin mo at sumakay ka na. Kasi raw hindi mo alam kung babalik pa siya. Ito ang tanong ko sa kanila. Paano kung may sakay nang iba? Sasabit ka na lang ba?

Move On.

Paano nga ba talaga ang magmove-on? Marami sa atin ang naranasan na ang umibig.. ) At ma-broken hearted.. Kahit ako.. Maraming beses na rin… Nagtataka ang mga kaibigan ko kung bakit daw parang napakadali para sa akin ang magmove-on.. Naranasan ko na ang mang-iwan.. iwanan.. Lokohin… Kapag iniiwan ako/niloko.. Nagpapasalamat nalang ako na nalaman ko.. Kasi mas masakit yung patuloy mong ginagawa ang lahat… Nagsasakripisyo ka mag-work lang ang relationship pagkatapos talikuran kang niloloko.. Wala kang kamalay malay na nagmumukhang tanga ka na sa ibang tao.. Kung iniiwan man tayo, siguro dahil sa hindi nga kayo para sa isa’t-isa, maling panahon, Or may mga responsibilidad tayong mas kailangang asikasuhin kesa sa pansarili nating kaligayahan.. minsan naiisip ko kung bakit sa iba sobrang hirap magmove-on. Para sa akin kasi.. Once na nangyari na..Nasaktan ka na.. Nasira na yung tiwala.. Tapos na.. Tinatanggap ko nalang. Tinitignan ko nalang yung POSITIVE SIDE ng storya.. Yung mga positibong dahilan kung bakit kailangang umabot sa ganon. JUST LET IT GO.. Magsimula ng bagong buhay.. Single ka naman dati.. Bakit mahihirapan kang mamuhay ulit ng single. Maging masaya at kuntento sa mga naging desisyon niyo.. Masakit Oo. Pero mas masasaktan lang tayo kung ipipilit pa natin ee. We have to accept the fact that people come and go.. Magagawa niyo naman maglet go kung gugustuhin niyo ee.. ACCEPTANCE lang. Accept the fact that IT’S OVER. Magpasalamat nalang tayo na minsan sa buhay natin may taong dumating at nagpasaya sa atin.. Magpasalamat nalang tayo na naranasan natin yun. Ang mahalin at magmahal.. Ang minsang may nagpahalaga sa atin.. At sa mga bagay na nananatiling meron tayo. At sa mga taong who will stick by our side through thick and thin. It’s not the end of the world! Minsan sasabihin pa ng iba.. “Sana makahanap na ko ng bago para makalimutan ko na siya..” Guys, it’s not the solutionHindi mo kailangang gumamit ng ibang tao para lang magmove-on. Makakasakit ka na, Hindi ka pa magiging masaya… Kung lovelife lang ang problema mo, wala pa yan sa kalingkingan ng problema ng marami sa atin. Just be thankful sa kung anong meron ka.. ENJOY LIFE! Marami pang nandyan para sayo.. May family, relatives and friends ka pa! Minsan nakakainis at nakakapagod din ang mag-advice.. Makikinig sila oo… Pero hindi nila inaabsorb.. Non sense lang lahat ng effort na ginawa mo mabigyan mo lang sila ng magandang advice! Kung hihingi kayo ng advice, sana naman i-absorb niyo kahit konti.. Kasi kaming mga malalapit sa inyo nahihirapan din naman na nakikita kayong nasasaktan.. Kaya nga ginagawa namin yung best na maitutulong namin sa inyo ee.. (Kahit minsan paikot ikot at paulit ulit nalang tayo sa topic na yan ng isang daang beses!) Sana naman maappreciate niyo.. ^_^ Again, ACCEPTANCE and LETTING GO.. You’ll be fine.. ^_^ Just be contented and thankful with what you have.. You’ll be Happy! :)

Untitled.


Ako si Nena. Isang babaeng lumaki sa probinsya. Lumaki akong mulat sa hirap ng buhay. Ang tatay ko’y magsasaka. Ang nanay ko’y isa lamang tindera. Ako? Naglalako. Naglalako ng nilagang buto ng langka, minsan ay palitaw at kung anu-ano pang pwedeng pagkakitaan upang may maipandagdag ako sa aking pambaon sa eskwela.
Bahay-eskwela. Yan ang araw-araw na naging takbo ng aking buhay. Tuwing bakasyon ay gumagawa ako ng iba’t ibang “ice candy” upang mailako sa kalsada.
Dumating ang hayskul. Kami’y nanirahan sa maynila. Nakasalamuha ko ang iba’t ibang uri ng tao. At ang ilan ay nagdala sa akin sa maling landas. Mas naging mahirap sa akin ang mamuhay sa maynila.
Natuto akong uminom ng alak at ang magsigarilyo. Natutunan ko ang lumiban sa klase. Nagsimula akong magkaroon ng nobyo. Iba-iba. Walang nagtatagal. 
Kolehiyo. wala pa ring sistema ang buhay ko. Nagpapadala lamang ako sa agos ng buhay. Sa takbo ng maraming kabataan. Natuto akong sumuway sa aking mga magulang. Lalong naging waldas ang buhay ko. Kung anu-ano ang aking naranasan. Natukso ako sa sarap ng pagiging malaya. Nagsawa ako sa hirap ng buhay na aking kinalakihan. Iniwan ko ang aking pamilya at sumama sa isang lalake. 
Sa una ay masaya ang aming pagsasama. Walang ginawa kundi ang magpakasarap sa buhay. Dumating ang araw na wala na kaming pera. Sa madaling sabi ay naging pabigat ako sa kanilang pamilya. Madalas na ang away. Nandyang kaliwa’t kanan ang tinatamo kong pasa, ilang paso ng sigarilyo sa aking mukha ikinukulong nya ako sa kwarto. Walang tumutulong. Ang mga kapatid at magulang niya’y mistulang hampas lupa ang tingin sa akin. May panahong hindi siya umuuwi… At kapag minalas-malas pa ako uuwi siyang lasing at tiyak na makakatikim na naman ako ng hagupit mula sa kanyang kamao… 
Isang araw. Umalis silang buong pamilya. Nagkaroon ako ng pagkakataong makatakas sa malaimpyernong lugar na iyon. Nagpalaboy laboy ako sa kalsada… Naging basurera at kung ano-ano pa. Nakalipas ang isang buwan.. Napagtanto kong nagdadalang tao ako. Binalikan ko ang nobyo ko. Ngunit itinanggi niyang kanya ang bata. Ipinagtabuyan nila akong masahol pa sa aso..
Ipinalaglag ko ang bata. Masakit ngunit kinailangan kong gawin sa kadahilanang hindi ko mabibigyan ng magandang buhay ang bata. Wala akong kinabukasang maibibigay sa kanya. Alam kong kasalanan at masakit din para sa akin pero wala akong magawa…
Umuwi ako sa aming probinsyang hiyang-hiya sa pagtalikod ko sa aking pamilya. Lalong lalo na sa aking mga magulang… Pero ako’y nagpapasalamat.. Walang tanong o kung ano man.. Yakap at luha ang sinalubong sa akin ng aking pamilya. Marahil ay nakita nila ang hirap at pighati ng buhay na aking pinagdaanan…

Ang kwento ayon kay Lucia




Lucia ang pangalan n’ya. Lusha kung bigkasin. 
Anak ng isang gwapong panday nuong 1926, bunso siya sa apat na lalaking magkakapatid. Matapos mabaliw ang ina nang pumutok ang Taal nung 1917, siya na ang nagsilbi sa mga kapatid at amang pupog ang katawan sa trabaho sa pandayan at bukid. Bukod sa walang humpay na pagsisilbi gamit ang kamay, mukha, dibdib at likod naman niya ang ginamit sa pagsalo ng galit at unsiyami ng mga kasambahay. 
“Kung dagukan ako ng mga kuya ko, ganun na lang,” minsang sinabi n’ya sa akin.
“Walang araw na hindi ako nagtatago sa puno ng Akwate kapag dumarating sila.”
“E bakit naman sila nagagalit sa’yo?” tanong ko. 
“Aba hindi ko alam. Babae daw ako sabi ni Iska. Kelangang ingatan at disiplinahin para hindi magwala.”
Sa araw araw daw na ginawa ng Diyos, wala siyang ibang inisip kundi ang mga ihahanda sa mesa para sa mga kapatid at ama. Sa hapon nama’y kung papano pakikinisin ang papag ng maliit na barong barong sa paghanda ng paglapat ng mga paa ng mga ama. 
“Minsang nakasunog ako ng sinaing, nakaupo na ako kasama ng mga kapatid ko sa hapag ng makita ko na lang ang kalderong lumipad papunta sa mukha ko.”
“So bata ka pa lang, nagsusunog ka na ng kanin.” Ngayong matanda na siya’t nagsisimula nang mag-ulyanin, tatlong beses isang linggo kung magtutong ng sinaing si Lucia. 
“Pinatawag ako nuon at may iniutos. Nakalimutan ko.” 
Minsan naman daw na hindi tumama ang alat ng pinritong tilapia, biglang inihampas ang pinggan sa mukha n’ya ng isa sa mga kapatid. 
” ‘Tama na yan!’ sabi ng tatay ko. Pagkatayo’y nilapitan ako. Akala ko papapasukin na ko ng kwarto at ialalyo. Bigla akong dinagukan.” 
“Harsh!”
“Ano ka’mo?”
“Grabe,” wika ko.
“E anung sinasabi ng nanay n’yo?”
“Ang nanay ko, nakatulala lang simula ng nawalan siya ng isip. Wala nang pakialam ang mga tatay ko sa kanya.”
“Hanggang mamatay?”
“Hanggang mamatay.”
Nang dumating si Frank sa buhay n’ya. Labing anim na taon siya nuon. Dalwangpu’t apat si Frank..
“Nang dumating siya, alam kong hindi ko na siya dapat pakawalan. Kelangan ko nang umalis sa puder ng mga tatay ko. Kapag nakapag-asawa na ko, hindi na nila ko mamaltratuhin.”
Mahal ni Lucia si Frank. Bukod sa nais n’yang gamitin siya para makatakas sa higpit ng mga kapatid at ama, kay Frank n’ya unang naramdaman ang tamis ng pag-ibig at pag-asa sa buhay. 
“Contractor siya galing sa Maynila. Maayos kung manamit, maputi at balbon. Isasama na raw ako sa Maynila’t duon titira.”
Bukod kay Frank, may isa pang nanliligaw kay Lucia nuon. Si Kulas na taga-Bucal. Isang tsuper ng jeep na biyaheng UP College-Kalamba. Kilala si Kulas ng mga kapatid ni Lucia. Tulad n’ya, hindi nakapag-aral si Kulas. 
“Manliligaw ko rin siya nuon. Pero hindi ko gusto. Labing limang taon ang tanda sa akin at kilalang manginginom. Habulin ng babae’t kung sinu-sino ang hinaharana.”
“Hot chick ka pala nuon!”
“Ano ka’mo?” tanong ng matanda.
“Wala…O tapos?”
“Kinontrata ko na si Frank.”
Gabi ng Abril daw nuon. Tanda pa n’ya ang init sa burol ng Putho sa Los Banos nang kausapin n’ya si Frank. Sasama na s’ya pa-Maynila. Hindi na raw n’ya kayang pagtiisan ang abusong nakukuha n’ya sa mga kapatid at ama. 
“Handa ka na bang iwan pati nanay mo?”“Nangako naman si Imang. Siya na raw ang titingin kay nanay.”
“Nandito pa ‘ko hanggang katapusan. Darating ang amo ko sa makalawa. Pag-alis nami’y sabay tayong luluwas ng Maynila.”
“Kinakabahan ako,” daing ni Lucia. 
“Sa katapusan, umalis ka na ng maaga sa inyo. Sa amin ka na magtanghalian. Mga bandang ala una, aalis na tayo.”

Ilang araw din daw siyang hindi nakapag-tutulog sa kakaisip ng plano at dahilan para sa katapusan. Kahit siksik ng pag-aalala, ginawa pa rin daw ni Lucia ang mga responsibilidad sa bahay at sa mga kapatid. 
“Wala kayong sinabihan?”
“Si Iska at Imang lang. Ang sabi sa akin, e wag na wag daw papalya’t papatayin ako ng tatay ko.”
“Taray naman. Kung sabagay, uso nuon ang tanan. Matabihan lang ng nobyo, tanan na agad  ’un e. Ngayon, wala na nun. Legal na kase.”
“Iba na ngayon.”
“E anung nangyari dun sa isa?” tanong ko.
“Tuloy pa rin. Kada makalawa, bumibisita sa bahay. Minsan nga’y hindi ko naayos ang oras ng bisita, nagkasabay sila ni Frank.”
Sabay tawa ni Lucia
“Anung nangyari?”
“Nagbigay si Kulas. Respetado at matalinong tao si Frank. Taga-Maynila pa. Bumaba na lang nuon at nakipag-inuman sa mga tatay ko.”
Umaga ng katapusan maagang nagluto ng agahan si Lucia. Nangagatal daw ang kamay sa paghalo ng hinugasang bigas at naka-ilang beses na pagdikitin ang apoy sa kalan sa kaba ng gagawin nuong araw na un. Minsan lang daw kung makipag-tanan ang babae. Kailangang maayos lahat. 
“Ngayon ba ang punta mo sa mga lola mo?” tanong ng ama.
“Ngayon po. Kelangan ng tulong sa handa sa piyesta.” 
“Ikamusta mo ko at sabihin mong minsa’y bisitahin naman nila ang nanay mo.”
“Opo.”
Walang ibang dala kundi ang isang supot na ang laman ay ang tig-isang maayos na daster at baro, tumakbo si Lucia sa College para puntahan si Frank. Maayos na ang kanilang usapan nuong Lunes. Sinabihan niyang wag magpakita ng mga limang araw para hindi mapaghinalaan. 
“Naku! Umalis na! Nagka-emergency kagabi sa Maynila at pinatakbo sila ng amo n’ya paluwas,” balita ng kasera ng tinutuluyang boading house nina Frank.

Ang sabi ni Lucia, hindi lang daw langit at lupa ang sumuklob sa kanya nuon. Pati sarili n’ya sinukluban din siya. Nanlamig ang pawis at bigla na lang napaluhod sa harapan ng bahay ng kasera. 
“Wala na ‘kong kawala. Una kong naisip: hindi lang itak ang itataga sa akin ng tatay ko kapag nalamang nagsinungaling ako.”
“Kung ako senyo, dapat maayos ang plano. Sana sinabi n’yong kasama n’yo sina Iska at Imang. Para at least, kung ‘di matuloy, masasalo kayo nung mga ‘un,”
 ”Naisip ko rin yan. Wala nuon si Imang. Nakalimutan ko na kung bakit. Si Iska nama’y taong bahay lamang. Hindi naalis,” pangangatwiran ni Lucia.
“Kung bakit naman kasi walang text nuong araw! Kung ngayon yan, plantsado lahat!”
Matapos umalis ni Lucia sa boarding house, hindi na raw n’ya alam kung saan siya dinala ng kanyang mga paa. Sa kainitan ng tanghali, naglakad siya sa Grove papuntang College. Pawisan, gutom at wala sa sarili. Ilang tanong ang namuo sa isip n’ya. Tuluyang iniwan na ba siya ni Frank? Planado rin ba n’ya ito? Mayroon bang iba? Papano siya uuwi? Sa dala-dala n’yang sinko sentimos sa bulsa, papano siya makakasunod sa Maynila para sundan si Frank? Kung luluwas siya, saang lupalop naman n’ya hahanapin ang nobyong taga-Maynila?Bandang ala una, may nabuo siyang plano. Hindi bale na raw na magutom at mawalan ng pera basta wag lang bumalik sa bahay nila sa Maahas. Mapagtitiisan ang hirap sa paghahanap ng makakain at trabaho, pero hindi matutumbasan ang kalayaan mula sa mga kamao ng mga kapatid at ama.
“Oi Lucing! Ano’t nagbababad ka dyan? 
Si Kulas. 
“Oi. Ano’t namumutla ka? Kumain ka na ba? Alam ba sa inyong nandito ka? San ka galing?” 
Si Kulas. 
“Oi!”

Isinakay siya ni Kulas. Pinaupo sa harapan ng jeep, katabi n’ya. Sa dami ng kanyang iniisip nang mga oras na yun, hindi n’ya namamalayan na inangkas siya ni Kulas pabalik sa mala-impyernong bahay sa Maahas. ”Nang bumalik ang isip ko, nasa tulay na kami ng San Antonio. Sinabi ko, ‘ipara mo! Mag-usap tayo!’ ” tuloy ng matanda. Pagkababa nila sa may bandang sabungan, ikinuwento niya ang lahat kay Kulas. Sa huli’y nakiusap si Lucia. 
“Magtapat ka na sa tatay ko. Hingin mo na ang kamay ko. Hindi ako tatanggi.”
“Ang daya mo naman. Kung ‘di pa pala umalis si Prank, hindi ako magkaka-pag-asa.”
“Sa Maynila ang pangako n’ya sa akin e. Malayo dito. Ikaw, san mo ko madadala?” pangagatwiran ni Lucia. 
“Sa Bucal! Malayo rin naman un ah?” kontra ni Kulas. 
“Mas malayo sana ang Maynila.”
“E papano yan, wala na ang taga-Maynila mo? E ‘di ung taga-Bucal na lang,” biro ni Kulas.

Nang malapit na raw sila sa bahay, nakita sila ni Dominguez. Tumakbo papuntang jeep ni Kulas at nagsabing nagwawala ang ama ni Lucia. Nabalitaan daw na nagsinungaling siya at nalamang hindi sa mga lola sa Calamba papunta . 
“D’yan ka lang,” bulong ni Kulas. “Ako na ang bahala.”

Nagtago raw siya ulit sa puno ng Akwate sa looban ng lupa nila. Rinig ang mga kalampag at sigaw ng ama; nakita n’yang dahan dahang naglakad si Kulas papuntang pintuan ng bahay nila sa Maahas. Tahimik at mahinhin na haharapin ang apoy ng ama at mga kapatid ni Lucia.Isang matipunong lalaki, maitim, at kurkubado. Gwapo rin naman pala itong si Kulas. Sa init at tensyon ng hapong iyon nakita ni Lucia ang glorya at kinabukasan kay Kulas.
“Alam kong siya na,” sabi sa akin ni Lucia. “Alam kong siya na.”  
Nanahimik ang bahay panandali. Gumapang daw ang mga oras ng hapong iyon. Walang ibang mapuntahan si Lucia kundi ang lilim ng matagal nang kaibigang puno ng Akwate. Makailang sandali pa’y narinig n’ya ang tawag ng ama. 
“O. Hinihingi ang kamay mo,” marahang wika ng ama. 
“Kayo po.” bulong ni Lucia. 
“Kayo pala’y magkikita ngayo’t magkakasundo para kausapin kami, bakit hindi pa dito sa bahay?” usisa ng nakatatandang kapatid.
“Ako ang nakaisip n’yan,” sagot ni Kulas. “Pagpapumanhin na po ninyo,” sabay tingin sa ama ni Lucia
“Maayos sana kung dito sa bahay. Pero nandyan na yan.” sagot ng ama. “Siguraduhin mo lang na darating ang mga magulang mo bukas ng gabi.
“Opo. Opo.”

Ikinasal si Lucia at Kulas matapos ang isang buwang paghahanda. Tumira ang dalawa panandali sa Bucal at namiyenan sa mga magulang ni Kulas. Hindi nagtagal, nakiusap ang mga kapatid ni Lucia na bumalik at tumira sa Maahas dahil walang nagsisilbi sa ina. Napapayag din ang mag-asawa. 
“Wala na ang galit ko sa kanila. Isa pa, walang mag-aalaga sa inay ko. Pangalawa, may asawa na ko. Hindi na nila ko pagmamay-ari.”
“Minsan ba nung tumira kayo dito ulit sa Maahas, napagbuhatan ulit kayo ng kamay?” usisa ko.”
Minsan. Kumakain kami. Tumabang ang sinigang. Hindi namamalayan ni Kuya Imoy ang naisampiga pala sa akin ang hawak n’yang pinggan.” 
“Sa harapan ng asawa n’yo?”
“Oo. Pero nagsalita si Kulas. Mahinahon lang. Pabulong. 
‘Tama na yan!’ sabi n’ya. ‘Asawa ko yan.’ 
Hindi man lang inalis ang mga mata sa sarili n’yang pinggan.”
“Ay bongga!”
“Matapos nuon, tumayo si itay. Akala ko’y ako ang pupuntiryahin. Dumeretso kay Kuya Imoy. Hinila at dinala sa silong. Walang kasali-salita’y narinig ko ang mga sutok sa tiyan at mukha ng kuya ko.”
“Hindi na naulit un?”
“Hindi na.”
Pagdating ng giyera, isa-isang nag-alisan ang mga kapatid para mamundok at lumaban sa mga Hapon. Namatay ang ama ni Lucia. Pagbalik ng mga Amerikano at pagsapit ng Peace Time, tanging si Imoy na lang ang umuwi sa bahay nila sa Maahas.Lumaki ang pamilya ni Lucia. Ibinigay sa kanya ang parte ng lupa na minana pa ng kanyang ama sa mga kanuno-nunuan. Sa labingdalawang isinilang, siyam lang ang mga nabuhay. Nagsikap sila ni Kulas sa negosyo ng pasada at bigas. Kasabay ng paglaki ng mga anak ang paglago ng kanilang negosyo. Nakapagtapos ang ilan sa mga supling, at ang iba nama’y nagsimulang magtayo ng kani-kanilang mga negosyo. Namatay si Kulas nuong 1983. Iniwan sa kanya ang isa sa mga pinaka-mataas na bahay sa Maahas, ang pinaka-sikat na bigasan sa Johnson, at ang siyam na anak na ngayo’y may sari-sarili nang mga pamilya. Ngayon, matanda na si Lucia. Tinitingnan ko siya habang siyang nakaupo sa tomba-tomba habang nakatingin sa National Road isang tanghali ng Enero. 
“Hindi na kayo nagkita ni Frank?” usisa ko.
“Bumalik si Frank matapos ang giyera. Malaki si Rody noon. Buntis ako kay Karling,” sabi niya habang hindi naalis ang tingin sa kalsada.
“Sa tinagal tagal raw, nuon lang siya nakabalik. Alam n’yang may asawa na ‘ko. Bumalik lang siya para humingi ng tawad. Kukunin raw n’ya ako kung gugustuhin ko. Asawa ko na si Kulas, tatlo na ang anak ko, may mga bagay talagang kahit gustuhin ay hindi na talaga maari.Inabutan ako ng pera ng makita n’yang hirap kami nuon. Hindi ko tinanggap. ‘Magagalit ang asawa ko’ sabi ko.”
“Cute pa rin siya?”
“Gwapo!”
“Umalis siya nuon ding araw na un. Nagpapahid ng luha ng makita kong sumakay ng bus. Hindi ko na siya nakita matapos nuon.”
“Taray ah! Parang Jody-Jody-please-don’t-cry lang.”
“Ano ka’mo?”
“Wala, kanta ‘un,” paliwanag ko. 
“Puro ka kalokohan.”
“Pano kaya kung siya ang nakatuluyan n’yo?”
 ”E di wala ka sa mundong ito! Tanga ka?” sigaw ng lola ko.