Kinailangan ko ang magpunta sa Robinson’s Pioneer. Kung saan ko binili si Kislap. Sa kasamaang palad, wala doon ang accessories na kailangan ko. Sumagi sa aking isipan ang Quiapo. Nasabi ng ilang kaibigan na mura daw ang mga accessories doon para sa dslr. Pagbabang pagbaba ko, sumambulat na sa pagmumukha ko ang isang binatang lalaki na mukhang snatcher.
“Ate, dvd?” tanong niya.
Isang matipid na iling lang at pagmamadaling paglalakad ang nakuha niyang tugon ko. Hindi pa ko nalalayo ay isa na namang lalaki ang sumalubong sa akin. hindi naman siya hawig nung nauna. Mukha siyang barker ng dyip.
“Dvd ‘te?” Sabay turo sa gawing kanan.
“Ah hindi. Hinahanap ko ang hidalgo kung saan maraming camera.” Sabay higpit ng hawak sa bitbit kong bag.
“Sa kabila. Hidalgo rin yon.” Sagot niya.
“Salamat.” Tugon ko.
Binaybay ko ang hagdan pababa. Kailangan kong mag-underpass. Pagdating ko sa kabila, binaybay ko ang di rin naman kahabaang kalye ng hidalgo. Tabi-tabi nga at mura ang bentahan dito. Nabili ko naman ang ilang kailangan ko. Nag-ikot ikot pa ako..
Pagdaan ko sa gilid ng simbahan.. (Katapat ng dunkin donut at KFC):
“Psssst! Pssst!”
Hinanap ko kung saan galing ang sitsit na yon. Mula sa isang di katandaang babae. Siguro nasa edad kwarenta. Nagtitinda siya ng ilang halamang-gamot. Mga pamparegla.
“Gamot?” Tanong niya.
“Ho?” Sagot ko.
“kailangan mo ng gamot? Meron ako.”
“Ay hindi ho.” Agad ko na siyang tinalikuran. Ngatatakang dumiretso ako sa KFC. Nakaramdam na rin ako ng gutom.
Chicken Ala King. At sa taas ko naisipang kumuha ng mesa dahil wala ng bakante sa ibaba.
Sa kabilang mesa, rinig ko ang tinig ng isang babaeng garalgal ang boses. Wari ko’y paiyak na. Kausap niya ang isang ale.
“Natatakot ho ako. Saka baka ho fake. Paano ho kung hindi lumabas?” Hindi ko sinasadyang narinig.
“Wag kang matakot. Basta sundin mo lang lahat ng sinabi ko. Orig to. Lumakad ka na. Pag hindi lumabas. Uulit ka. Pero garantisado yan basta sundin mo lang kung paano. May instructions naman yan.” sagot ng ale.
Hindi man detalyado, alam ko kung anong pinag-uusapan ng dalawa. Malinaw na nagdadalang tao yung babae. Bumili siya ng gamot na kanina lang ay yun din sigurong inaalok sa akin nung isang ale.
Paglabas ko, bawat bangketa na madaanan ko na bilihan ng halamang-gamot ibang gamot ang inaalok. May isa pa ngang hinawakan ako sa braso sabay tanong:
“Ne, gamot?”
Putangina. Gusto ko na sanang sagutin ng.. “Mawalang galang na ho. Mataba lang ho ako pero hindi ho ako buntis!”
Agad kong tinungo ang simbahan na wala pang isang metro ang layo sa mga bangketang yon.
Lumuhod ako at nagdasal. Ng matapos napansin ko ang kumpisalan. May sindi ang mga bombilya. Walang gaanong pila.
Naisip kong mangumpisal. Habang iniisa-isa ko ang aking mga kasalanan.. Di ko na napigilan ang mapaluha. Sumunod ay ang pag-garalgal ng aking boses. Mabigat sa pakiramdam sa una. Ngunit ng matapos, malaking gaan sa pakiramdam. J
Nilisan ko ang Quiapo ng may inis, lungkot at saya.
Inis dahil sa mga taong garapalang gumagawa ng ilegal na bagay sa gilid at harap ng simbahan. Na kung iisipin, nasa tabi at harapan pa mismo ng Pulis Station at napakaraming pulis ang rumoronda. Para kaya saan? Para hulihin ang mga putanginang salot ng lipunan o ang mangolekta ng lagay mula sa mga walang galang sa Diyos? Napakaraming trabaho ang pwedeng pasukin kung iisipin. Pero ang magbenta ka ng pampalaglag sa harap at tabi ng simbahan? Na wala pang sampung hakbang mula doon? Nakakatakot isipin. Sa sobrang talamak at harapang pagbebenta, palagay ko hindi na mawawala ang mga lumot na ito sa labas ng simbahan. Kayo ng mambabasa ang humusga sa mga taong nabanggit ko. Mas malala pa sa bentahan ng shabu ang bentahan ng pampalaglag na yon. Mahigit sampung taon na atang may ganoong kalakaran sa Quiapo. Kung iisipin, ilang libong anghel na kaya ang sana’y nasiliyan ang mundo? Ilang babae na kaya ang halos nag-agaw buhay? O nabawian ng buhay? Balita ko’y may ilang klinika rin malapit sa simbahan ang nakatago para sa mga nais magpalaglag na may kalakihan na ang tiyan. Nakakakilabot. Hindi ko lubos maisip kung paano naatim ng mga aleng ito ang ganoong klase ng negosyo. Tsktsktsk. Sana’y may magawa man lang ang gobyerno para rito.
Lungkot dahil sa ilang street children na nagkalat, mga musmos ang isipan pero mulat na sa dumi ng ginagalawan nila. Ang ilan, mga snatcher . 10 taong gulang pataas. May mga matatandang inuulan sa pagbebenta ng sampaguita at kandila. Lungkot sa pambababoy ng ilang tao sa paligid ng simbahan.
Saya. Dahil namulat ako sa maraming bagay pagbisita ko rito. Masasabi kong marami man akong problema at salat sa buhay, swerte pa rin ako. Saya dahil nakaramdam ako ng kagaanan ng loob matapos kong mangumpisal. Pakiramdam ko, ang lapit-lapit ko na ulit sa Kanya. Malaking kagaanan sa kalooban ko ang ginawa kong ito. Tunay ngang maraming pwedeng mangyari sa isang araw lang. Kung tutuusin nga ay wala pang isang araw ang itinagal ko roon..
Panibagong simula. Ng mas maayos at matiwasay na buhay. Babalik at babalik ako sa Quiapo. Tuwing biyernes. Araw ng panata. Di man ako nangangako.. Susubukan ko ang magsimba tuwing byernes. Gaya ng panata ng nanay ko.
At para sa mga babaeng magdadaan sa mga komplikadong pagdedesisyon gaya ng babae sa KFC, pag-isipan niyo muna ng maraming maraming beses.. Malaki pagkakasala ang maaring magagawa ng sinuman kung gaya niya ang gagawin ninyo. Hindi lang sa Kanya, maging sa sarili niyo na maaari niyong pagsisihan habang-buhay. At para naman sa mga lalaki, sana’y ang bawat bunga rin ng inyong mga ginagawa ay bigyang responsibilidad ninyo. Bago kayo sumabak o gumawa ng kung anuman, siguraduhin niyong handa kayo sa maaaring mangyari.
:)
No comments:
Post a Comment