Friday, September 21, 2012

Ang kwento ayon kay Lucia




Lucia ang pangalan n’ya. Lusha kung bigkasin. 
Anak ng isang gwapong panday nuong 1926, bunso siya sa apat na lalaking magkakapatid. Matapos mabaliw ang ina nang pumutok ang Taal nung 1917, siya na ang nagsilbi sa mga kapatid at amang pupog ang katawan sa trabaho sa pandayan at bukid. Bukod sa walang humpay na pagsisilbi gamit ang kamay, mukha, dibdib at likod naman niya ang ginamit sa pagsalo ng galit at unsiyami ng mga kasambahay. 
“Kung dagukan ako ng mga kuya ko, ganun na lang,” minsang sinabi n’ya sa akin.
“Walang araw na hindi ako nagtatago sa puno ng Akwate kapag dumarating sila.”
“E bakit naman sila nagagalit sa’yo?” tanong ko. 
“Aba hindi ko alam. Babae daw ako sabi ni Iska. Kelangang ingatan at disiplinahin para hindi magwala.”
Sa araw araw daw na ginawa ng Diyos, wala siyang ibang inisip kundi ang mga ihahanda sa mesa para sa mga kapatid at ama. Sa hapon nama’y kung papano pakikinisin ang papag ng maliit na barong barong sa paghanda ng paglapat ng mga paa ng mga ama. 
“Minsang nakasunog ako ng sinaing, nakaupo na ako kasama ng mga kapatid ko sa hapag ng makita ko na lang ang kalderong lumipad papunta sa mukha ko.”
“So bata ka pa lang, nagsusunog ka na ng kanin.” Ngayong matanda na siya’t nagsisimula nang mag-ulyanin, tatlong beses isang linggo kung magtutong ng sinaing si Lucia. 
“Pinatawag ako nuon at may iniutos. Nakalimutan ko.” 
Minsan naman daw na hindi tumama ang alat ng pinritong tilapia, biglang inihampas ang pinggan sa mukha n’ya ng isa sa mga kapatid. 
” ‘Tama na yan!’ sabi ng tatay ko. Pagkatayo’y nilapitan ako. Akala ko papapasukin na ko ng kwarto at ialalyo. Bigla akong dinagukan.” 
“Harsh!”
“Ano ka’mo?”
“Grabe,” wika ko.
“E anung sinasabi ng nanay n’yo?”
“Ang nanay ko, nakatulala lang simula ng nawalan siya ng isip. Wala nang pakialam ang mga tatay ko sa kanya.”
“Hanggang mamatay?”
“Hanggang mamatay.”
Nang dumating si Frank sa buhay n’ya. Labing anim na taon siya nuon. Dalwangpu’t apat si Frank..
“Nang dumating siya, alam kong hindi ko na siya dapat pakawalan. Kelangan ko nang umalis sa puder ng mga tatay ko. Kapag nakapag-asawa na ko, hindi na nila ko mamaltratuhin.”
Mahal ni Lucia si Frank. Bukod sa nais n’yang gamitin siya para makatakas sa higpit ng mga kapatid at ama, kay Frank n’ya unang naramdaman ang tamis ng pag-ibig at pag-asa sa buhay. 
“Contractor siya galing sa Maynila. Maayos kung manamit, maputi at balbon. Isasama na raw ako sa Maynila’t duon titira.”
Bukod kay Frank, may isa pang nanliligaw kay Lucia nuon. Si Kulas na taga-Bucal. Isang tsuper ng jeep na biyaheng UP College-Kalamba. Kilala si Kulas ng mga kapatid ni Lucia. Tulad n’ya, hindi nakapag-aral si Kulas. 
“Manliligaw ko rin siya nuon. Pero hindi ko gusto. Labing limang taon ang tanda sa akin at kilalang manginginom. Habulin ng babae’t kung sinu-sino ang hinaharana.”
“Hot chick ka pala nuon!”
“Ano ka’mo?” tanong ng matanda.
“Wala…O tapos?”
“Kinontrata ko na si Frank.”
Gabi ng Abril daw nuon. Tanda pa n’ya ang init sa burol ng Putho sa Los Banos nang kausapin n’ya si Frank. Sasama na s’ya pa-Maynila. Hindi na raw n’ya kayang pagtiisan ang abusong nakukuha n’ya sa mga kapatid at ama. 
“Handa ka na bang iwan pati nanay mo?”“Nangako naman si Imang. Siya na raw ang titingin kay nanay.”
“Nandito pa ‘ko hanggang katapusan. Darating ang amo ko sa makalawa. Pag-alis nami’y sabay tayong luluwas ng Maynila.”
“Kinakabahan ako,” daing ni Lucia. 
“Sa katapusan, umalis ka na ng maaga sa inyo. Sa amin ka na magtanghalian. Mga bandang ala una, aalis na tayo.”

Ilang araw din daw siyang hindi nakapag-tutulog sa kakaisip ng plano at dahilan para sa katapusan. Kahit siksik ng pag-aalala, ginawa pa rin daw ni Lucia ang mga responsibilidad sa bahay at sa mga kapatid. 
“Wala kayong sinabihan?”
“Si Iska at Imang lang. Ang sabi sa akin, e wag na wag daw papalya’t papatayin ako ng tatay ko.”
“Taray naman. Kung sabagay, uso nuon ang tanan. Matabihan lang ng nobyo, tanan na agad  ’un e. Ngayon, wala na nun. Legal na kase.”
“Iba na ngayon.”
“E anung nangyari dun sa isa?” tanong ko.
“Tuloy pa rin. Kada makalawa, bumibisita sa bahay. Minsan nga’y hindi ko naayos ang oras ng bisita, nagkasabay sila ni Frank.”
Sabay tawa ni Lucia
“Anung nangyari?”
“Nagbigay si Kulas. Respetado at matalinong tao si Frank. Taga-Maynila pa. Bumaba na lang nuon at nakipag-inuman sa mga tatay ko.”
Umaga ng katapusan maagang nagluto ng agahan si Lucia. Nangagatal daw ang kamay sa paghalo ng hinugasang bigas at naka-ilang beses na pagdikitin ang apoy sa kalan sa kaba ng gagawin nuong araw na un. Minsan lang daw kung makipag-tanan ang babae. Kailangang maayos lahat. 
“Ngayon ba ang punta mo sa mga lola mo?” tanong ng ama.
“Ngayon po. Kelangan ng tulong sa handa sa piyesta.” 
“Ikamusta mo ko at sabihin mong minsa’y bisitahin naman nila ang nanay mo.”
“Opo.”
Walang ibang dala kundi ang isang supot na ang laman ay ang tig-isang maayos na daster at baro, tumakbo si Lucia sa College para puntahan si Frank. Maayos na ang kanilang usapan nuong Lunes. Sinabihan niyang wag magpakita ng mga limang araw para hindi mapaghinalaan. 
“Naku! Umalis na! Nagka-emergency kagabi sa Maynila at pinatakbo sila ng amo n’ya paluwas,” balita ng kasera ng tinutuluyang boading house nina Frank.

Ang sabi ni Lucia, hindi lang daw langit at lupa ang sumuklob sa kanya nuon. Pati sarili n’ya sinukluban din siya. Nanlamig ang pawis at bigla na lang napaluhod sa harapan ng bahay ng kasera. 
“Wala na ‘kong kawala. Una kong naisip: hindi lang itak ang itataga sa akin ng tatay ko kapag nalamang nagsinungaling ako.”
“Kung ako senyo, dapat maayos ang plano. Sana sinabi n’yong kasama n’yo sina Iska at Imang. Para at least, kung ‘di matuloy, masasalo kayo nung mga ‘un,”
 ”Naisip ko rin yan. Wala nuon si Imang. Nakalimutan ko na kung bakit. Si Iska nama’y taong bahay lamang. Hindi naalis,” pangangatwiran ni Lucia.
“Kung bakit naman kasi walang text nuong araw! Kung ngayon yan, plantsado lahat!”
Matapos umalis ni Lucia sa boarding house, hindi na raw n’ya alam kung saan siya dinala ng kanyang mga paa. Sa kainitan ng tanghali, naglakad siya sa Grove papuntang College. Pawisan, gutom at wala sa sarili. Ilang tanong ang namuo sa isip n’ya. Tuluyang iniwan na ba siya ni Frank? Planado rin ba n’ya ito? Mayroon bang iba? Papano siya uuwi? Sa dala-dala n’yang sinko sentimos sa bulsa, papano siya makakasunod sa Maynila para sundan si Frank? Kung luluwas siya, saang lupalop naman n’ya hahanapin ang nobyong taga-Maynila?Bandang ala una, may nabuo siyang plano. Hindi bale na raw na magutom at mawalan ng pera basta wag lang bumalik sa bahay nila sa Maahas. Mapagtitiisan ang hirap sa paghahanap ng makakain at trabaho, pero hindi matutumbasan ang kalayaan mula sa mga kamao ng mga kapatid at ama.
“Oi Lucing! Ano’t nagbababad ka dyan? 
Si Kulas. 
“Oi. Ano’t namumutla ka? Kumain ka na ba? Alam ba sa inyong nandito ka? San ka galing?” 
Si Kulas. 
“Oi!”

Isinakay siya ni Kulas. Pinaupo sa harapan ng jeep, katabi n’ya. Sa dami ng kanyang iniisip nang mga oras na yun, hindi n’ya namamalayan na inangkas siya ni Kulas pabalik sa mala-impyernong bahay sa Maahas. ”Nang bumalik ang isip ko, nasa tulay na kami ng San Antonio. Sinabi ko, ‘ipara mo! Mag-usap tayo!’ ” tuloy ng matanda. Pagkababa nila sa may bandang sabungan, ikinuwento niya ang lahat kay Kulas. Sa huli’y nakiusap si Lucia. 
“Magtapat ka na sa tatay ko. Hingin mo na ang kamay ko. Hindi ako tatanggi.”
“Ang daya mo naman. Kung ‘di pa pala umalis si Prank, hindi ako magkaka-pag-asa.”
“Sa Maynila ang pangako n’ya sa akin e. Malayo dito. Ikaw, san mo ko madadala?” pangagatwiran ni Lucia. 
“Sa Bucal! Malayo rin naman un ah?” kontra ni Kulas. 
“Mas malayo sana ang Maynila.”
“E papano yan, wala na ang taga-Maynila mo? E ‘di ung taga-Bucal na lang,” biro ni Kulas.

Nang malapit na raw sila sa bahay, nakita sila ni Dominguez. Tumakbo papuntang jeep ni Kulas at nagsabing nagwawala ang ama ni Lucia. Nabalitaan daw na nagsinungaling siya at nalamang hindi sa mga lola sa Calamba papunta . 
“D’yan ka lang,” bulong ni Kulas. “Ako na ang bahala.”

Nagtago raw siya ulit sa puno ng Akwate sa looban ng lupa nila. Rinig ang mga kalampag at sigaw ng ama; nakita n’yang dahan dahang naglakad si Kulas papuntang pintuan ng bahay nila sa Maahas. Tahimik at mahinhin na haharapin ang apoy ng ama at mga kapatid ni Lucia.Isang matipunong lalaki, maitim, at kurkubado. Gwapo rin naman pala itong si Kulas. Sa init at tensyon ng hapong iyon nakita ni Lucia ang glorya at kinabukasan kay Kulas.
“Alam kong siya na,” sabi sa akin ni Lucia. “Alam kong siya na.”  
Nanahimik ang bahay panandali. Gumapang daw ang mga oras ng hapong iyon. Walang ibang mapuntahan si Lucia kundi ang lilim ng matagal nang kaibigang puno ng Akwate. Makailang sandali pa’y narinig n’ya ang tawag ng ama. 
“O. Hinihingi ang kamay mo,” marahang wika ng ama. 
“Kayo po.” bulong ni Lucia. 
“Kayo pala’y magkikita ngayo’t magkakasundo para kausapin kami, bakit hindi pa dito sa bahay?” usisa ng nakatatandang kapatid.
“Ako ang nakaisip n’yan,” sagot ni Kulas. “Pagpapumanhin na po ninyo,” sabay tingin sa ama ni Lucia
“Maayos sana kung dito sa bahay. Pero nandyan na yan.” sagot ng ama. “Siguraduhin mo lang na darating ang mga magulang mo bukas ng gabi.
“Opo. Opo.”

Ikinasal si Lucia at Kulas matapos ang isang buwang paghahanda. Tumira ang dalawa panandali sa Bucal at namiyenan sa mga magulang ni Kulas. Hindi nagtagal, nakiusap ang mga kapatid ni Lucia na bumalik at tumira sa Maahas dahil walang nagsisilbi sa ina. Napapayag din ang mag-asawa. 
“Wala na ang galit ko sa kanila. Isa pa, walang mag-aalaga sa inay ko. Pangalawa, may asawa na ko. Hindi na nila ko pagmamay-ari.”
“Minsan ba nung tumira kayo dito ulit sa Maahas, napagbuhatan ulit kayo ng kamay?” usisa ko.”
Minsan. Kumakain kami. Tumabang ang sinigang. Hindi namamalayan ni Kuya Imoy ang naisampiga pala sa akin ang hawak n’yang pinggan.” 
“Sa harapan ng asawa n’yo?”
“Oo. Pero nagsalita si Kulas. Mahinahon lang. Pabulong. 
‘Tama na yan!’ sabi n’ya. ‘Asawa ko yan.’ 
Hindi man lang inalis ang mga mata sa sarili n’yang pinggan.”
“Ay bongga!”
“Matapos nuon, tumayo si itay. Akala ko’y ako ang pupuntiryahin. Dumeretso kay Kuya Imoy. Hinila at dinala sa silong. Walang kasali-salita’y narinig ko ang mga sutok sa tiyan at mukha ng kuya ko.”
“Hindi na naulit un?”
“Hindi na.”
Pagdating ng giyera, isa-isang nag-alisan ang mga kapatid para mamundok at lumaban sa mga Hapon. Namatay ang ama ni Lucia. Pagbalik ng mga Amerikano at pagsapit ng Peace Time, tanging si Imoy na lang ang umuwi sa bahay nila sa Maahas.Lumaki ang pamilya ni Lucia. Ibinigay sa kanya ang parte ng lupa na minana pa ng kanyang ama sa mga kanuno-nunuan. Sa labingdalawang isinilang, siyam lang ang mga nabuhay. Nagsikap sila ni Kulas sa negosyo ng pasada at bigas. Kasabay ng paglaki ng mga anak ang paglago ng kanilang negosyo. Nakapagtapos ang ilan sa mga supling, at ang iba nama’y nagsimulang magtayo ng kani-kanilang mga negosyo. Namatay si Kulas nuong 1983. Iniwan sa kanya ang isa sa mga pinaka-mataas na bahay sa Maahas, ang pinaka-sikat na bigasan sa Johnson, at ang siyam na anak na ngayo’y may sari-sarili nang mga pamilya. Ngayon, matanda na si Lucia. Tinitingnan ko siya habang siyang nakaupo sa tomba-tomba habang nakatingin sa National Road isang tanghali ng Enero. 
“Hindi na kayo nagkita ni Frank?” usisa ko.
“Bumalik si Frank matapos ang giyera. Malaki si Rody noon. Buntis ako kay Karling,” sabi niya habang hindi naalis ang tingin sa kalsada.
“Sa tinagal tagal raw, nuon lang siya nakabalik. Alam n’yang may asawa na ‘ko. Bumalik lang siya para humingi ng tawad. Kukunin raw n’ya ako kung gugustuhin ko. Asawa ko na si Kulas, tatlo na ang anak ko, may mga bagay talagang kahit gustuhin ay hindi na talaga maari.Inabutan ako ng pera ng makita n’yang hirap kami nuon. Hindi ko tinanggap. ‘Magagalit ang asawa ko’ sabi ko.”
“Cute pa rin siya?”
“Gwapo!”
“Umalis siya nuon ding araw na un. Nagpapahid ng luha ng makita kong sumakay ng bus. Hindi ko na siya nakita matapos nuon.”
“Taray ah! Parang Jody-Jody-please-don’t-cry lang.”
“Ano ka’mo?”
“Wala, kanta ‘un,” paliwanag ko. 
“Puro ka kalokohan.”
“Pano kaya kung siya ang nakatuluyan n’yo?”
 ”E di wala ka sa mundong ito! Tanga ka?” sigaw ng lola ko.

No comments: