Ako si Nena. Isang babaeng lumaki sa probinsya. Lumaki akong mulat sa hirap ng buhay. Ang tatay ko’y magsasaka. Ang nanay ko’y isa lamang tindera. Ako? Naglalako. Naglalako ng nilagang buto ng langka, minsan ay palitaw at kung anu-ano pang pwedeng pagkakitaan upang may maipandagdag ako sa aking pambaon sa eskwela.
Bahay-eskwela. Yan ang araw-araw na naging takbo ng aking buhay. Tuwing bakasyon ay gumagawa ako ng iba’t ibang “ice candy” upang mailako sa kalsada.
Dumating ang hayskul. Kami’y nanirahan sa maynila. Nakasalamuha ko ang iba’t ibang uri ng tao. At ang ilan ay nagdala sa akin sa maling landas. Mas naging mahirap sa akin ang mamuhay sa maynila.
Natuto akong uminom ng alak at ang magsigarilyo. Natutunan ko ang lumiban sa klase. Nagsimula akong magkaroon ng nobyo. Iba-iba. Walang nagtatagal.
Kolehiyo. wala pa ring sistema ang buhay ko. Nagpapadala lamang ako sa agos ng buhay. Sa takbo ng maraming kabataan. Natuto akong sumuway sa aking mga magulang. Lalong naging waldas ang buhay ko. Kung anu-ano ang aking naranasan. Natukso ako sa sarap ng pagiging malaya. Nagsawa ako sa hirap ng buhay na aking kinalakihan. Iniwan ko ang aking pamilya at sumama sa isang lalake.
Sa una ay masaya ang aming pagsasama. Walang ginawa kundi ang magpakasarap sa buhay. Dumating ang araw na wala na kaming pera. Sa madaling sabi ay naging pabigat ako sa kanilang pamilya. Madalas na ang away. Nandyang kaliwa’t kanan ang tinatamo kong pasa, ilang paso ng sigarilyo sa aking mukha ikinukulong nya ako sa kwarto. Walang tumutulong. Ang mga kapatid at magulang niya’y mistulang hampas lupa ang tingin sa akin. May panahong hindi siya umuuwi… At kapag minalas-malas pa ako uuwi siyang lasing at tiyak na makakatikim na naman ako ng hagupit mula sa kanyang kamao…
Isang araw. Umalis silang buong pamilya. Nagkaroon ako ng pagkakataong makatakas sa malaimpyernong lugar na iyon. Nagpalaboy laboy ako sa kalsada… Naging basurera at kung ano-ano pa. Nakalipas ang isang buwan.. Napagtanto kong nagdadalang tao ako. Binalikan ko ang nobyo ko. Ngunit itinanggi niyang kanya ang bata. Ipinagtabuyan nila akong masahol pa sa aso..
Ipinalaglag ko ang bata. Masakit ngunit kinailangan kong gawin sa kadahilanang hindi ko mabibigyan ng magandang buhay ang bata. Wala akong kinabukasang maibibigay sa kanya. Alam kong kasalanan at masakit din para sa akin pero wala akong magawa…
Umuwi ako sa aming probinsyang hiyang-hiya sa pagtalikod ko sa aking pamilya. Lalong lalo na sa aking mga magulang… Pero ako’y nagpapasalamat.. Walang tanong o kung ano man.. Yakap at luha ang sinalubong sa akin ng aking pamilya. Marahil ay nakita nila ang hirap at pighati ng buhay na aking pinagdaanan…
No comments:
Post a Comment